WebNovels

Chapter 6 - Part VI

Kinabukasan matapos ang pag-amin ni Anna, nagising ako bago pa sumikat ang araw. Matagal akong nakaupo sa gilid ng kama, tahimik na pinagmamasdan ang mahinang liwanag na sumisilip sa kurtina. Mabigat ang hangin pero hindi na dahil sa takot, kundi sa bigat ng katotohanang alam ko na ang lahat.

Biglang naging malinaw ang lahat: ang nawawalang pera, ang mga tawag na palihim, ang mga ngiting pilit. Lahat ng kasinungalingan, at lahat ng iyon, bumabalik kay Daniel, ang asawa kong minsang humahalik sa noo ko tuwing umaga, humahawak sa kamay ko noong panahong hindi kami mabiyayaan ng anak, at nangakong haharapin ang mundo kasama ako.

Naalala ko si Anna at kung paano siya nanginig habang umaamin, kung paano bumuhos ang mga salita niya na parang tubig na tuluyang kumawala sa dam. Parang inasahan niyang sisigawan ko siya, o palalayasin. Pero hindi ko ginawa. Nakinig lang ako. At sa katahimikang 'yon, may nagbago sa loob ko. May malaking kaibahan ang sakit sa lakas. Ang sakit, dinudurog ka. Pero ang lakas, 'yon 'yung tumatayo ka kahit nasusunog pa ang dibdib mo.

Pagdating ng alas-siyete, nasa kusina na si Daniel, abala sa cellphone habang umiinom ng kape. Naka-ngiti siya, 'yung mga ngiting dati kong minahal, pero ngayon, alam kong pagpapanggap lang lahat ng 'yun.

"Good morning," sabi niya, magaan ang tono. "Maaga ka ata," dagdag pa niya.

"Hindi ako makatulog," sagot ko, kalmado ang boses.

Kinuha niya ang susi, sabay lagok ng kape. "May client meeting ako. Baka gabihin ako sa pag-uwi."

Pinanood ko siya. Kita ko sa mga mata niya, tinitingnan niya kung may alam na ba ako.

"Okay lang," mahina kong sabi. "Ingat ka sa pag-drive."

Napahinto siya. "Ayos ka lang ba?"

Ngumiti ako. "Ayos lang ang lahat, Daniel."

Hinalikan niya ako sa pisngi. Malamig ang labi niya, parang wala nang buhay. Hindi ko ramdam ang sincerity. Pagkasara ng pinto, saka ko lang binitawan ang hiningang kanina ko pa pinipigil.

Hapon na nang magkita kami ni Angela, ang kaibigan kong abogada, sa isang tahimik na café sa Makati. Inabot ko sa kanya ang mga folder: mga titulo, business ledgers, bank statements. Habang binabasa niya, napatingin siya sa akin.

"Tama ka. Siya nga. Nilulustay ni Daniel ang assets mo. Hindi siya maingat, masyado syang kampante na hindi mo malalaman."

"Pwede ba nating pigilan?" tanong ko.

"Pwede nating ipa-freeze ang transfers," sagot niya. "Pero kailangan natin kumilos agad.

Kapag napansin niyang alam mo na, sisimulan na niyang burahin ang mga ebidensya."

Huminga ako nang malalim. "Handa na ako."

"Ang kalmado mo," sabi niya, bahagyang nakakunot ang noo. "Nakakabahala."

Ngumiti ako nang marahan. "Wala na akong kinatatakutan."

Pag-uwi ko, nadatnan kong nagwawalis si Anna sa veranda. Lukot ang balikat at may lungkot sa kanyang mga mata.

"Anna," tawag ko.

Napatigil siya. "Opo, ma'am?"

"Ayos ka lang?" tanong ko.

Tumango siya, nanginginig ang tinig. "Opo… aalis na rin ako. Kailangan ko lang po ng kaunting oras—"

"Hindi ka aalis," putol ko, mahinahon pero matatag.

Napatingin siya sa akin, gulat.

"Dito ka muna," sabi ko. "Mas ligtas ka rito."

Naluha siya agad. "Pagkatapos ng lahat ng ginawa ko? Pagkatapos ng kasalanang 'yon?"

"Si Daniel ang nanamantala," mariin kong sabi. "Nagkamali ka, oo. Pero ako rin. Nagtiwala ako sa maling tao."

Tinakpan niya ang mukha niya, humikbi. "Hindi ko karapat-dapat 'tong kabaitan mo."

"Hindi ito kabaitan, Anna," sagot ko. "Hustisya 'to."

Gabi na nang dumating si Daniel at lasing. Amoy alak pa lang, ramdam ko na. Dumiretso siya sa sala, naglalakad na parang wala sa sarili.

"Asan ang pagkain ko?" sigaw niya.

Nilingon ko siya, hawak pa rin ang mga dokumento sa mesa. "Nasa kusina."

Lumapit siya, pasuray-suray. "Dati, hinihintay mo 'ko. Ngayon, puro papel na lang hawak mo. Feeling lawyer?"

"Sinisigurado kong maayos ang mga account natin," malamig kong sagot.

Tumawa siya, 'yung nakakasukang tawa. "Mga account natin? Akala mo ba may pagmamay-ari ka rito?"

Tinitigan ko siya nang diretso. "Mas marami akong pag-aari kaysa sa iniisip mo."

Napakunot ang noo niya. "Anong ibig mong sabihin?"

"Alam mo na 'yan," sagot ko, sabay sara ng folder. "Ikaw ang nagtatago at nagnanakaw ng pera."

Bigla siyang nanlilisik. Hinawakan niya ang braso ko, madiin. "Anong sinabi mo?"

"Bitawan mo ako, Daniel."

"Sinira mo lahat," bulong niya, galit na galit. "Hindi ka nga makabuo ng anak, tapos pati 'to kukunin mo pa?"

Parang tinamaan ako sa dibdib. Pero sa halip na masaktan, parang may nararamdaman akong kakaiba sa sarili ko. Isang lakas na matagal nang natutulog. Itinulak ko siya nang buong lakas. Natumba siya sa sofa, napamura.

"Don't you ever touch me again!," pasigaw na sabi ko, nanginginig ang boses pero matatag.

Tinitigan niya ako na parang ibang tao ako. Pagkatapos, umakyat siya sa kwarto, malakas ang pagsara ng pinto. Tumingin ako sa braso kong namumula na, dahil sa bakas ng pagkakahawak niya. Hindi ko tinakpan. Hindi ko ikinahiya. 'Yon ang patunay ng totoo niyang pagkatao.

Binuksan ko ang laptop ko. Tahimik, planado, at legal kong sinimulan na ilipat, i-freeze, at i-secure lahat ng dapat mapunta sa akin. Kung gusto niya ng giyera, makukuha niya pero sa paraan na gusto ko.

May mahinang katok sa pinto. Si Anna. "Ma'am… okay lang po ba kayo? Narinig ko po kayo."

Tumango ako. "Hindi na niya ako masasaktan."

"May nakita po ako," sabi niya, mahina. "May tinapon siyang itim na bag sa likod ng bahay. Parang mga dokumento."

Nanlamig ako. "Show me."

Paglabas namin, nakita namin ang itim na trash bag sa tabi ng puno ng mangga. Punit, sunog, at puno ng abo. Mga papel. Bank forms. Resibo. Lahat ng ebidensyang sinusubukan niyang sirain.

"Binubura niya ang mga possibleng ebidensya," bulong ko.

"Ano'ng gagawin niyo ngayon?" tanong ni Anna, may halong takot.

Tumingin ako sa kanya. "Tatapusin ko na 'to. Pero hindi sa paraan na inaasahan niya."

Habang tulog ang buong bahay at lasing na si Daniel sa taas, nakaupo ako sa dilim, pinagmamasdan ang mga ilaw sa labas. Sumasakit pa rin ang pasa sa braso ko. Isang malamig na paalala kung gaano na kalalim ang sugat, at kung gaano na ako kalayo sa dating ako.

Naalala ko 'yung dating ako, yung laging naghihintay sa pinto, umaasang may ngiti at halik si Daniel pag-uwi. Wala na siya. Ang naiwan ay isang babaeng tahimik, matatag, at handang bawiin ang lahat ng ninakaw sa kanya.

More Chapters