WebNovels

Chapter 4 - Ang Unang Anak ni Xerxez

****

Isang linggo ang nakalipas, naglakbay sila Xerxez kasama ang mga kawal na suot ang magarang baluti na yari sa tanso. Lahat sila ay nakasakay sa kabayo para bisitahin ang mga kaalyadong bansa. Kasama si Matheros sa pagdalaw nang mga oras na yon. Inuna ni Xerxez ang pagdalaw sa bansang Peronica.

Ang Peronica ay kilala sa tawag na Blooded-Phoenix, ayon sa isang kasaysayan minsan ng lumitaw ang ibong Phoenix na pinaniniwalaang naging tao kaya karamihan sa mga taga-Peronica ay mapupula ang mga buhok, magagandang mata at makikinis na balat. 

Dumaan lamang sila Xerxez sa batis kahit may mga kababaihan na nagtatampisaw sa batis na parang mga puting gansa na nakakaakit tingnan. Ang totoo, nang mabalitaan ng mga dalagang Peronican na bibisita ang hari ng Thallerion, inabangan na agad nila si Xerxez sa batis upang mapansin ang kanilang kagandahan, at nagbakasakaling, isa man lang sa kanila ay mapili ni Xerxez.

"Mahal na haring Xerxez, pansinin mo na man kami oh~" Gusto ng mga dalaginding na akitin ang hari ng Thallerion, ngunit ngumiti lamang si Xerxez habang umuusad ang kabayo. Nang biglang may nakatagawag pansin sa kanyang mata, tila isang diosa na nagbubukodtanging maganda sa lahat ng mga babae doon. Hindi nawala ang titig ni Xerxez sa babaeng iyon na merong mahabang buhok na mas matingkad na pula kumpara sa iba. Hindi rin makabasag pinggan ang mga galaw ng babae habang nakangiti ito kay Xerxez, sa unang tingin palang ni Xerxez, iba na ang kanyang kutob sa kanyang puso, ito'y bulkang nag-aalburoto sa kaloob-looban.

Ilang araw din nagpahinga sina Xerxez sa sangtuwaryo ng Peronica, ngunit ang mukha ng babae ay hindi mabura-bura sa kanyang gunita. Umiibig na yata si Xerxez. Napaisip si Xerxez na baka iyon ang prinsesa ng Peronica ang anak ni reyna Pyramia, subalit nang pumunta sila sa kaharian ng Peronica wala doon ang prinsesa, wala siyang ideya kung ano ang totoong mukha ng prinsesa. Kahit ang mga taga-Peronica, sinasabi na hindi daw talaga pinapagala ang prinsesa, ayon pa sa kanilang kwento, may sumpa daw ang prinsesa kaya nagtatago. Ngunit ang bulung-bulungan ng marami, kinukulong daw ng reyna ang prinsesa dahil ayaw raw ito ipaasawa sa mga lalaking nanliligaw. Napaisip tuloy si Xerxez kung ano ang dahilan ng reyna.

Simula nung makipag-alyansa si Xerxez sa Peronica; naging palaisipan na para kay Xerxez, ang hiwaga sa totoong kwento ng prinsesa sa Peronica, dahil umano'y nagtatago kagaya ng isang surot. 

Nanroon si Xerxez sa kaharian ng Peronica sa isang salu-salong kainan, alam ni Xerxez na may anak ang reyna ng Peronica, at gusto niyang linawin ang mga kwento ng taga-Peronica tungkol sa prinsesa ngunit binago lamang ng reyna ang usapang iyon. 

"Balita ko, mahigpit mo raw pinagbabawalan na gumala ang anak mong prinsesa dahil ba sa isang sumpa?" Sabi ni Xerxez, tumaginting ang kutsara sa babasaging plato na merong minatamis na pang himagas gawa sa tsaang-cake. Humalakhak lamang ang reyna na may pagpipigil gaya ng pagtakip sa bunga ng kamay, at bahagyang tumaas ang kilay. Ngunit, sa puso ni reyna Pyramia kumukulo ang dugo niya sa mga katanungan ni Xerxez.

"Hindi maganda ang pakiramdam ng prinsesa ngayon kaya hindi ito nakakagala. Kaya pakiusap huwag ka sana maniwala sa mga chismosa dyan sa labas—pakiusap wag mo na sana mabanggit ang mga tsismis na yan dito sa harap ng pagkain." 

Hindi na muli nangahas si Xerxez na alamin pa ang buhay ng prinsesa, kahit ang pangalan nito ay ipinagdadamot pa ng reyna. Subalit, nitong mga nakaraang araw naging interesado si Xerxez sa babae doon sa batis kaya inutusan ni Xerxez ang isang kawal na hanapin ang babae sa buong Peronica ngunit hindi rin nahanap ng kawal ni Xerxez. Wala na rin nagtatampisaw doon sa batis kaya nalungkot si Xerxez ng mabalitaan ang bagay na yon.

Nang pauwi na sila Xerxez, nanaog si Xerxez sa kabayo para makainom ang mga nauuhaw ng mga kabayo nila ngunit, may narinig siyang ingay sa hindi kalayuan kaya sinundan niya ang pinanggalingan ng ingay at nakita niya ang dalaga na nagtatampisaw at umaawit na para bang malambing na ibon na humuhuni. 

"Binibini, bakit wala kang kasama?" Sabi ni Xerxez dahil noong unang makita niya ang babae ay merong itong mga kasama. "Sa ganda mong iyan, hindi ka dapat nagtatampisaw dito ng mag-isa." May halong pag-aalala sa boses si Xerxez.

"Kung ganun, bakit di mo ako samahan dito?" Pasuyong sabi ng dalaga, kaakit-akit ang mga labi ng babae, at dahan-dahang tumingin kay Xerxez sa mga mata, at nararamdaman ng babae ang hindi maipaliwanag na kagalakan ni Xerxez. "Iyon kung hindi nakakaabala sa hari ng Thallerion?"

"Bakit hindi? Nirerespeto ko ang buong Peronican alang-alang sa alyansa." Umangat ang mga kilay ni Xerxez at masayang gumuhit ang mga labi. "Pero sa tingin ko kung gagawin ko yon—hindi na iyon tungkol sa alyansa." 

Nakita ni Perlend na naghihintay ang mga kasama ni Xerxez sa unahan kaya alam nitong uuwi na si Xerxez papunta sa Thallerion, medyo bumigat ang mga mata ng babae. Naupo si Xerxez sa bato at masuyong sinusundan ang mga hinog na dahon na inaanod ng tubig. "Ito na yata ang tamang oras." Bulong ni Xerxez sa kanyang isip.

"Haring Xerxez, alam mo bang ikaw ang unang lalaking umupo sa tabi ko." Sabi ni Perlend habang nagbabaga ang pisngi ngunit pinipigilan niya itong sumingaw na parang usok, gayung alam niyang aalis na si Xerxez at maghihintay na naman siya kung kailan bibisita si Xerxez sa Peronica. "Ngunit hanggang kailan ako maghihintay?" Sigaw ni Perlend sa kanyang isip. 

"Talaga, okay lang ba sayo kung nakaupo ako malapit sayo?" Medyo na ilang si Xerxez ngunit hindi na niya mapigilan ang sarili, kahit noong unang pagkakita niya kay Perlend, lumakas na ang lukso ng kanyang dibdib at walang araw o gabi na hindi niya ito na iisip. "Pwede bang mula sa araw na ito, tawagin mo ako sa pangalan kong Xerxez?"

"Perlend ang pangalan ko, Xerxez." Sabi ni Perlend. Sapagkakataong iyon, lubos na nakilala ni Xerxez ang dalaga, nalaman niyang wala pala itong asawa.

"Alam mo bang pinahanap kita sa buong Peronica dahil—" napakagat ng dila si Xerxez at namula ang pisngi na parang siregwelas. Gusto mang aminin ni Xerxez ngunit nahihiya siya lalo na't iyon ang unang beses na magtatapat siya ng kanyang nararamdaman sa isang babae.

"Alam mo din bang bumalik din ako dito dahil— gusto kita Xerxez." Matapang na nagtapat si Perlend, hindi na niya pinalagpas ang pagkakataong aminin din ang nararamdaman, hindi kagaya ni Xerxez na isang bayani ng Thallerion, umuurong ang dila sa kanyang tunay na nararamdaman sa dalaga. Humangos si Xerxez ng maginhawa nang marinig ang sabi ni Perlend.

"Perlend, mahal kita... papayag ka bang maging kabiyak ng puso ko?" Nagtapat na agad si Xerxez ng kanyang nararamdaman ng walang pag-aalinlangan, wala na siyang pakialam kung ano man ang estado ng buhay ng babae, kung mayaman man ito o isang ordinaryong mamamayan ng Peronica—mamahalin niya—ang layunin ng kanyang puso ang masusunod. Hinawakan ni Xerxez ang kamay ni Perlend at lumapit ng kaunti. Ang totoo, nagbakasakali siya na makikilala ang anak ni reyna Pyramia ngunit nabigo siya na makita iyon, plano sana ni Xerxez ligawan para sa mas matibay na alyansa kaso ang damot ng reyna. Kaya, kay Perlend niya ibinuhos ang kanyang tunay na nararamdaman.

"Xerxez, handa kong iwanan ang aking lugar, dahil mahal din kita." Yinakap ni Xerxez si Perlend at biglang umulan ng mga mapupulang dahon. Walang tanggi para sa isang dalaga na tanggapin ang panliligaw ng hari dahil alam niyang mabait na lalaki si Xerxez. 

 Nang yakapin ni Xerxez si Perlend naaamoy niya ang isang malamyos na bulaklak na parang orkid. Pinangako ni Xerxez sa kanyang sarili na kailanman hindi niya paluluhain ng luha ang kanyang magiging asawa. 

Ang batis na yon ay nakadikit sa ilog Cirtax na merong rota patungo sa daungan ng mga barko na madalas dinadaanan nila Xerxez. Isa lang ang ibig sabihin ng pagbalik ng babae doon sa batis—umiibig!

"Sasama ako sa iyo Xerxez, dahil wala na akong magulang na mag-aaruga sa akin, pareho tayong nag-iisa na lang buhay. " Sabi ni Perlend. "Ngunit hari ka, samantalang ako, isa lamang hamak na babae." Nakita ni Xerxez na hindi pangmayaman ang suot ni Perlend ngunit kahit hindi aminin ni Xerxez, malinis talaga ang katawan babae na parang pinaliliguan ng gatas, dahil sa husay mag-alaga ni Perlend sa kanyang katawan.

Malawak ang bansang Peronicas subali’t pag-ibig ang dumugtong sa landas nila para sila ay pagtagpuin. Nagtapat ng pag-ibig si Xerxez sa dalaga at maging ang dalaga ay parang isdang nabingwit na ayaw tanggihan ang tunay na pag-ibig ni Xerxez. Pakiramdam ng hari siya na ang pinaka swerte na lalaki sa mundo't isang magandang babae ang kanyang mapapangasawa. 

"Kung ganun, isasama kita sa Thallerion, at magpapakasal tayo." Sabi ni Xerxez at inalalayan si Perlend papunta sa kanyang kabayo. Tagsibol ng mga araw na iyon, ang mga dahon na nalagas ay parang mga bulaklak sa paanan ng dalawang nagmamahalan. Ramdam ni Xerxez ang kalagayan ni Perlend na isang ulila, kaya hindi na siya nagtanong pa tungkol sa pamilya ni Perlend dahil para sa kanya masakit ang buhay ng isang ulila. 

Hindi rin umangal sina Matheros kundi natutuwa siya dahil sa wakas magkakaroon narin ng asawa si Xerxez, hindi na ito habang buhay na mag-isa si Xerxez. 

More Chapters