WebNovels

Chapter 89 - Chapter 87: Nonsense!

11 a.m na nang makarating siya sa dati niyang boarding house, binuksan niya lang ang main gate at lumiko para pumunta sa kanilang building. Naglakad lang siya ng ilang hakbang bago niya tuluyang marating ang building ng kanilang boarding house, sarado ang pinto ngunit hindi iyon naka-lock kaya itinulak lang iyon ni Jacian para makapasok. Si Henry nalang ang nakatira sa maliit na boarding house na 'yun pagkatapos niyang umalis, ngunit lagi ring wala sa boarding house ang kanyang magaling na ama kaya hindi niya alam kung nagbabayad pa ba ito ng rent.

Pagbukas niya ng pinto, sumalubong kaagad sa kanya ang alikabok at kitang kita iyon dahil sa sikat ng araw na tumatagos sa bintana. Makikita sa pader ng boarding house ang mga natirang pandikit matapos niyang tanggalin lahat ng mga notes na matagal ng nakadikit doon. Naroon parin ang kama ngunit namangha si Jacian nang makitang walang alikabok na nakadikit doon, para bang nilinisan iyon at nilagay sa loob. Naroon parin ang lamesa niya malapit sa binata at puno na iyon ng alikabok, nang hawakan iyon ni Jacian dumikit ang alikabok sa dulo ng kanyang daliri. Tinanggal niya ang sigarilyo sa kanyang bibig at hinipan 'yun para mawala ang alikabok.

Nilibot ni Jacian ang kanyang mga paningin sa maliit na boarding house at mabilis na nahagip ng kanyang mga mata ang pitsel na nasa labado, may laman itong yelo na kalahati nalang ang laki. Nang tingnan ni Jacian ang trash can sa ilalim ng mesa nakita niyang may ilang beer in can ang nakalagay doon. Bahagya pang pumapatak ang tubig sa gripo at tumutulo iyon sa palangga, halatang nagmamadaling umalis ang nagbukas nun dahil hindi naisara ng maayos.

Naglakad si Jacian palapit sa lababo para patayin ang gripo, ngunit nahagip ng kanyang paningin ang damit na nasa palangga. Sa isang tingin palang halatang damit iyon ng babae dahil parehong may butas sa magkabilang balikat. Habang nakatingin doon naramdaman ni Jacian na bumukas ang pinto, umikot siya at nakita niya ang magaling niyang ama na nasa pinto habang nakahawak sa doorknob. May hawak itong isang putol na sabon at doon napagtanto ni Jacian na lalabhan nito ang damit na nasa palangga.

Nang makita siya ni Henry, bahagyang nanlaki ang mga mata nito ngunit kaagad ding kumunot ang kanyang noo nang maintindihan ang sitwasyon. Tinanggal ni Jacian ang sigarilyo sa kanyang bibig at naglakad palapit kay Henry, tinapon niya ang upos ng sigarilyo sa trash can atsaka ito tiningnan.

"Hindi ko in-expect na nagdadala ka parin ng mga babae dito." Saad ni Jacian at isinuksok ang dalawang kamay sa bulsa.

Humigpit ang pagkakahawak ni Henry sa sabon at matalim na tiningnan si Jacian. "Anong ginagawa mo dito?! Hindi ba naglayas ka na?!" Bulyaw nito sa kanya.

Iniiling lang ni Jacian ang kanyang ulo na mas lalo namang ikinasalubong ng kilay ni Henry. "Pumunta ka sa mama mo? Tsk! Yung mama mo may utang na 1.2 million at sumama sa ibang lalaki para tumakas, hindi kita tunay na anak kaya ang utang niya ikaw ang magbabayad. Tingin mo makakatakas ka?" Mabigat na sambit ni Henry. Nang makitang walang balak sumagot si Jacian, nagpatuloy siya, "Akin ang boarding house na 'to, hindi kita anak kaya ikaw, umalis ka sa teritoryo ko." Saad nito at dinuro si Jacian. "Huwag kang dumikit sa akin dahil wala kang mahihita. Alam mo bang may anak na ang mama mo ngayon? Dalawa na ang anak niya at ang panganay ka-edad mo lang, hindi ko alam kung papa mo 'yung kasama niya ngayon o anak ka pa niya sa ibang lalaki. Nung ipanganak ka niya, nagbuntis na siya sa iba, minsan lang ako umuwi kaya hindi ko alam, nanganak siya nang hindi ko namamalayan. Isipin mo, tinatawag mo siyang mama pero sa iba siya nagpapaka nanay. Kahit ako niloko niya rin, buti nalang nasa dugo ko na ang pagiging babaero, hindi ako nalugi." Bahagyang tumawa si Henry.

"Sa itsura mong 'yan, buti may pumapatol pa sa'yo. Saad ni Jacian. "Wala ka namang pera, wala ka ring itsura pero may pumapatol pa sa'yo. Baka nga kahit gayumahin mo pa ang mga babae walang papatol sa'yo, o baka naman binibigyan mo sila ng death threat?"

Nagtiim-bagang si Henry dahil sa sinabi ni Jacian at hindi mapigilang lapitan ito at hablutin ang damit sa dibdib, kakaladkarin sana siya ni Henry para idikit sa pader nang biglang may kumatok sa pinto.

Hinawakan ni Jacian ang kamay ni Henry at pwersahan iyong tinanggal sa kanyang damit. Patulak niya itong tinanggal bago binuksan ang pinto. Nakita niya ang dalawang collector ng utang at kaagad nakipag-usap doon. Nakita ni Henry ang senaryo sa labas ngunit hindi siya interesado at malakas na sinara ang pinto. Bahagyang nagulat ang dalawang collector samantalang nakayuko lang si Jacian para mag-send ng pera. Sanay na siya sa ganyang ingay at kahit sa harapan niya pa iyon gawin hindi na siya magugulat.

Pagkatapos niyang mabayaran lahat at pirmahan ang mga papeles, nagpasalamat ang dalawang collector dahil sa cooperation niya at kaagad ding umalis. Umakyat naman siya sa third floor ng building para puntahan ang boarding house ng delivery boy na si Rex na lagi niyang iniisturbo sa tuwing brown out. Kumatok lang siya ng dalawang beses at kaagad ding bumukas, nagulat pa si Rex ng makita siya at kaagad siya nitong kinamusta, hindi naman naging mahaba ang kanilang pag-uusap dahil sinabi ni Jacian na napadaan lang siya at may mahalaga pang gagawin, nag-send lang siya sa delivery boy ng 5,000 para sa pang-iisturbo niya tuwing brown out. Hindi pa sana tatanggapin ni Rex ngunit narinig ni Jacian na nagsalita ang asawa nito at hinahanapan ito ng pera pambayad sa boarding house next month. Napakamot nalang ng ulo ang delivery boy at tinanggap ang pera nang ipilit ito ni Jacian.

Pagkatapos nun, nagpaalam narin siyang umalis at nakayukong naglakad patungo sa main gate. Tiningnan niya ang kanyang balance at napabuntong hininga bago iyon inilagay sa kanyang bulsa. Nakayuko lang si Jacian habang naglalakad, paulit-ulit sumasagi sa kanyang isipan ang mga sinabi ni Henry kaya mariin siyang napapikit, sa mga sandaling ito parang gusto niya nalang manigarilyo. Kinapa niya ang kanyang bulsa at tanging kaha nalang ng sigarilyo ang naroon, nilukot niya ito at binuksan ang main gate para itapon sa basurahan na nakalagay doon ngunit paglabas niya nakita niya si Just na nakatayo sa gilid ng gate.

Nakasandal ito sa sementadong poste ng main gate at nakasuklob ang hoodie, nakatayo lang ito doon at halatang may hinihintay. Nang marinig nito na bumukas ang gate luminga ito para tingnan siya. Nababahiran ng pagkapikon ang itsura ni Just ngunit nang makita nito si Jacian, mabilis na kumalma ang kanyang mukha at umalis sa pagkakasandal.

Kumunot ang noo ni Jacian. "Anong ginagawa mo dito?" Tanong niya at bumaling sa kanan para itapon ang kaha ng sigarilyo pagkatapos hinarap niya si Just.

Tiningnan siya ni Just at tinanggal nito ang nakasuklob na hood. "Sinusundo ka." Seryusong saad ni Just at bahagyang tinuro ang dibdib niya. "Anong nangyari sa damit mo?" Tanong nito habang nakatingin sa dibdib ni Jacian.

Bumaba naman ang tingin ni Jacian sa sarili niyang dibdib at nakita niyang sobrang gusot nun, dinakot iyon kanina ni Henry at ramdam niya parin ang kirot sa kanyang dibdib dahil sa lakas nun. Bahagya lamang hinimas ni Jacian ang kanyang dibdib, hindi niya alam kung para ba matanggal ang kirot o para matanggal ang gusot.

Hindi niya sinagot ang tanong ni Just at nginitian lang ito, bahagya namang kumunot ang noo ni Just bago nagsalita.

"Babalik ka na ba ng base?"

"Mm." Sagot ni Jacian kasabay ng tango.

"Let's go, nandun ang kotse ko."

Naglakad sila ni Just patungo sa kotse nito. Habang nasa byahe, tahimik lang si Jacian habang nakatingin sa daan, wala pa siyang kain simula kaninang umaga at ramdam niyang sumasakit na ang kanyang tiyan. Kinagat niya lang ang kanyang ibabang labi at tumingin sa bintana. Mabilis na lumabas ang butil butil na pawis sa kanyang noo at panlalamig ng kanyang likod, sumandal lang siya sa upuan at pasimpleng pinahid ang kanyang pawis gamit ang likod ng kanyang palad.

Napansin ni Just ang ginawa niya kaya nilinga siya nito. "Hindi ka ba komportable?"

Umiling si Jacian at pinahid ang likod ng kanyang palad sa suot niyang pants. "Hindi. Medyo nagugutom lang." Sagot niya.

"Gusto mo bang dumaan sa restaurant?"

Umiling ulit si Jacian. "Sa base nalang ako kakain."

"Mn." Malamig na sagot ni Just at itinuon na nito ang atensyon sa daan. Nakakunot ang noo nito at halatang may malalim na iniisip.

Nakita iyon ni Jacian at bahagyang umangat ang dalawa niyang kilay, nang makita niya si Just kanina na nakasandal sa gilid ng gate, salubong ang kilay nito at mababakas ang pagkapikon sa kanyang mukha. Nang makita uli ni Jacian ang ekspresyon nito, ngumiti siya para pagaanin ang sitwasyon.

"Bakit? Stress ka yata ngayon, captain." Saad ni Jacian at niyakap ang kanyang sarili, sumandal siya sa bintana habang nakaharap kay Just.

Hindi nagbago ang ekspresyon ni Just at nanatiling salubong ang kanyang kilay, iniliko niya lang ang kotse bago sinagot si Jacian.

"Nakausap ko si Lan kaninang umaga." Seryusong saad nito. Tahimik naman si Jacian para makinig sa susunod nitong sasabihin. "Yung nangyaring match kahapon, siya ang may kasalanan hindi ikaw. Nadamay ka lang." Saad ni Just. Tiningnan niya si Jacian at nakita niyang nakatingin lang ito sa daan, para bang naghihintay pa ito ng susunod niyang sasabihin.

Pagbalik ni Just sa base kaninang umaga, pumunta siya sa meeting room kung saan laging nakatambay si Lan. Gusto niyang magpaliwanag si Lan tungkol sa nangyaring match kahapon ngunit pagbukas niya ng pinto at makita siya nito, pinaulanan siya ni Lan ng maraming compliment. Hindi naman nagsalita si Just at hinintay lang na matapos lahat ng sasabihin ni Lan, pagkatapos marinig lahat ng boring na compliment hinila ni Just ang gaming chair sa kalapit na mesa at iniharap iyon sa mesa ni Lan. Madilim na ang kanyang ekspresyon pagpasok niya palang at nang maramdaman ni Lan ang mabigat na presensya ni Just, sinara niya ang kanyang bibig at hindi na nagsalita. Gumalaw lang siya nang sabihin ni Just na umupo siya.

Masunurin namang umupo si Lan at tinanong si Just kung anong kailangan nito, malumanay na ang boses ni Lan, hindi iyon katulad nung ban/pick nung game 2 na halos sigawan nito si Jacian.

Kahit na nagtataka ay ipinawalang bahala nalang muna iyon ni Just dahil nandito siya para kausapin si Lan. Tinanong niya si Lan kung bakit niya pinilit si Jacian na gamitin si Gan&Mo kahit na hindi pa nito iyon na-papractice ngunit iba ang natanggap ni Just na sagot.

Nangalit ang ngipin ni Lan at binalingan siya nito. Sinabi nitong, "Bakit pinagtatanggol mo siya? Do you like him?" Tanong ni Lan habang deritsong nakatingin sa kanya.

Natigilan si Just dahil sa hindi inaasahang tanong, unti-unting kumunot ang kanyang noo at matalim din na tinitigan si Lan, nagtiim narin ang kanyang bagang. "Bakit tinatanong mo 'to? Gusto kong magpaliwanag ka tungkol sa nangyaring match kahapon." Saad niya ngunit nakita niyang ngumisi lang si Lan. Tuluyan nang kumunot ang noo ni Just dahil sa pinakita nito, iniiwas niya lang ang kanyang paningin dahil sa inis, ngunit kaagad ding nilinga si Lan nang marinig ang sinabi nito.

"What if ginawa ko 'yun dahil nagseselos ako?" Saad ni Lan at hinawi ang ilang hibla ng buhok nito. Inayos din nito ang salamin para tingnan ng maigi si Just.

Naningkit ang mga mata ni Just. "Hindi ko gusto ang coaching mo, kung gusto mong maging coach ng club maglagay ka ng boundary. Ayoko ng coach na dinadamay ang mga players na dapat private matters." Malamig na saad ni Just at tumayo para lumabas ngunit sumigaw si Lan sa likuran niya.

"What should I do?! I really like you, Justin!"

Natigil ang pagpihit ni Just sa doorknob. Si Lan, ang dati niyang captain at team mid laner at ngayon coach niya, may gusto sa kanya? Hindi makapaniwala si Just. Inilihis niya lang ang kanyang ulo para tingnan si Lan gamit ang kanyang peripheral vision at sinabing, "Nonsense!" Malamig at may diing saad niya bago tuluyang pinihit ang doorknob at malakas na sinara ang pinto.

More Chapters